Saturday, April 26, 2008

Kung ano man ang Tagalog ng "Parenthesis"

matagal ko nang ninanais na isulat ang piyesang ito.

mula pa noong una kong nadiskubre ang asul at pilak niyang kinang. mula pa noong una kong nasilayan ang pagkaripas ng buong mundo habang lulan ka nito. ang agos ng dagitab na dumadaloy sa kanya. di na ako nagtataka, sapagkat matagal ko na siyang nakakasama, di na ako nagtataka sa tila hulog-langit na buhos ng kung anu-anong ideya sa aking utak tuwing siya'y aking kapiling. habang pinagmamasdan ang patuloy na pagkaripas, pagtakbo ng buong mundo. habang natatanaw ang agos ng taong pinipilit makapasok sa maliit na espasyong inilaan ng tadhana para sa kanila. habang naririnig ang kung anu-anong salita ng kung sinu-sinong tao. amoy ng kung sinu-sinong amoy.

sabi nga nila, pagpasok mo ng MRT, naligo ka man o hindi, tawas ka man o Hugo Boss, pare-pareho lang kayo paglabas.

sadyang natutuwa ako tuwing sumasakay ako sa MRT. (oo. parang preface yung kanina. eto, introduction. at ang kabuoan nito, synopsis lang ng nobela. (na first part ng trilogy) parang ganun.)
noong baguhan pa lamang ako sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman (oo, kelangan pa talagang sabihin.), at noong panahong yun baguhan rin ako sa pagbiyahe sa Maynila, una kong natuklasan ang pagsakay sa Metro Rail Transit. ang una kong ikinatuwa ay yung pakiramdam kapag pasakay ka pa lang sa tren, nakatingin ka sa kabilang platform, kunyari malalim iniisip mo, hanggang sa marinig mo ang tunong ng riles ng tren at maramdaman ang hangin, hanggat sa tuluyang tumigil ang tren. ASTIG ang pakiramdam kapag nakatayming sa saktong pagtigil ng tren na i-fofocus ang mata mo sa bintana ng kabilang panig ng tren, hanggang sa makita mo ang reflection mo. (dahil doon, naiisip ko lagi na gumawa ng pelikula na kasama ang scene na ganun. oo. gusto ko gumawa ng pelikula para lang sa scene na yun. oo, kahit si Sam Milby pa ang gumanap, basta mailagay ang scene na yun.)
katulad rin nito yung sa pagbaba ng tren, tapos maglakad ka parallel sa tren sa tabi lang ng restricted yellow line, hanggat umandar uli ang tren, mauuna sayo. mabilis.
yung parang mai-coconnect mo sa naiiwanan ng panahon, atbp atbp. parang ganun.

ang isa ko pang ikinatutuwa sa MRT ay ang mga reaksyon ng mga tao sa sikip at init ng MRT. (pwede na ngang maging scene ng music video ng isang sikat na hip-hop dawg person) madalas naman kasi tuwing hapon, mga ala singko, ala sais, punuan talaga ang MRT. yung tipong pagkatapos mailabag na lahat ng karapatan mong pantao, di mo pa rin makamot ang makati parte ng tagiliran mo. samantalang ganun naman lagi ang nangyayari, may iilan pa rin na nagagalit pa rin tuwing napapasiksik sa tren. madalas ang mga ito ay ang mga matatandang mga manang na naka-backless, mga lalaking malalaki ang katawana't nakasando, at lalong lalo na ang mga bading na pesteng mga emo na mga hayskul. (di ako discriminating sa mga bading, o kahit na sa mga emo. ang kombinasyon lang kasi ng dalawa ay talaga namang sadyang nakakadisturb. no offense.)

at huli at pinakakinatutuwa ko sa MRT ay mga naiisip ko tuwing nakasakay ako rito. madalas kasi kapag umuuwi ako noon, galing pa lamang ng dormitoryo ay nakaplug na sa aking tainga ang mga earphones mula sa aking Music Player. pero mahina ang baterya nito, kaya kadalasan kalagitnaan palang ako ng biyahe sa MRT ay mikrobyo nalang ang lumalabas sa mga earphones. suot ang earphones, doon nagsimula ang aking habit na mag-obserba ng kung anu-ano sa loob ng MRT. doon ko napagtanto ang pagkakaiba ng mga taong nakasakay. may mga nakapolo't black shoes na sumasakay sa Ayala, mga ordinaryong (mukhang probinsyanong. (tsk. discrimination. tsk) ) manggagawang galing sa Cubao, mga maaangas at mayayabang na mga UP student na galing Q.Ave, at marami pang iba.
iilan sa mga napakinggan kong usapan ay mga usapang pangarap, mga estudyanteng nakasuot ng mga gusot na puting polo, naguusap tungkol sa pagaaral nila sa Cisco, sa mga kapatid nilang umaasa sa kanila. nakakita na rin ako ng isang lalaking kinakausap ang kanyang katabing lalaki rin, tanong ng tanong, hanggat sa hinawakan niya ang tuhod ng katabi niya. nakakita na ko ng dalawang maarteng transvestites na nagreklamo na mainit ang MRT; lahat ata ng lalaking sakay ng kompartamentong yun ay sinigawan sila. nakatabi ko na rin ang magsyotang naguusap, ang babae'y di kagandahan, ang lalaki hindi rin naman gwapo, at bungi pa siya sa ilang parte.
pero magkayakap sila. nagmamahalan.

(sa puntong ito, dalawa ang naisip kong Astig na ending ng piyesang ito)
ending 1:

nabanggit ko na ata kanina na pagpasok at paglabas mo sa MRT, magiging pareho lang ang amoy niyo ng lahat ng nakasakay sa MRT. ito'y maaaring mabuti o masama, depende kung naligo ka o hindi. pero tunay nga, kahit sino ka man, mahirap o mayaman, edukado o mangmang, lalaki ka man o emo poser, matalino o taga-UST (joke lang po. pwedeng i-edit para maging kolehiyong karibal ng kolehiyo mo.), pare-pareho lang tayo kapag nagkatabi kita sa MRT.


ending 2:

na-oobserbahan ko ang mga tao at naririnig ang kanilang pinag-uusapan sapagkat akala nila di ko sila naririnig dahil suot ko ang earphones. katulad rin ito ng tint ng sasakyan, katulad ng sunglasses, katulad ng isang veil. kadalasan ang mga bagay na ito'y ginagamit upang takpan ang sariling hitsura. ngunit sa aking palagay, dahit sa mga bagay na ito nagbubukas ang isang parte ng mundo na madalas ay hindi natin pinapansin. at sa muling pagbukas ng pintuan ng MRT, nais kong maubusan muli ng baterya ang aking Music Player.

(oo. mahilig ako mag-parenthesis)

1 comment:

Anonymous said...

naghanap ako ng ibig sabihin ng travesty,dinala ako ng gooogle sa blog na ito,nung makita ko mahaba,parang tinamad akong basahin, pero naintriga ako sa mga obserbasyon, lalo na sa ending.
at natawa ako sa "oo.mahilig ako mag-parenthesis" dahil di pa ako nakakarating sa ending ito na ang napansin ko "mga parenthesis".
pero natuwa ako sa nabasa ko dito.parang ako din,naging libangan ang mag obserba sa mga tao.dahil kahit sa mall, mas gusto kong maupo at panoorin ang mga taong naglalakad.more power!